Sunday, December 11, 2011

Buhay Atenista


Pangalan: Tan, Vernadette Jo L.
Pamagat: Buhay Atenista
Kurso: BS Biochemistry
Introduksyon
Karamihan sa mga kabataan ang gustong makapagaral at makapagtapos, dahil alam nila ang kahalagahan ng edukasyon at ang mga oppurtunidad na matatanggap nila kapag makamit nila ito. Dito sa Pilipinas may apat na kinikilalang prestihiyohong Unibersidad, ang UP (University of the Philippines), DLSU (De Lasalle University), UST (University of Sto. Tomas) at ADMU (Ateneo de Manila University). Ang parte ng pagsisiyasat na aking ipapaliwanag ng mas mabuti ay ang buhay ng isang Atenista, kung paano siya namumuhay roon at kung paano niya binabalanse ang iba pa niyang gawain sa unibersidad. Pag sinabing ikaw ay isang taga-Ateneo, madalas na naiisip agad ay elitista, mayaman, sosyal, ngunit hindi lahat ng mag-aaral doon ay ganoon. Marami sa ating mga Pilipino ang may pagnanaiis na makapagaral ngunit sa hirap ng panahon, hindi ito natutupad. Sa pagsisiyasat na ito, makikita na hindi kailangan maging mayaman ang isang mag-aaral para magkaroon ng magandang edukasyon, kailangan lamang ng sipag at tiyaga sa pagaaral. Sa kasalukuyan, batay sa (http://eduphil.org) noong 2010, 42% lamang ang nakakapagtapos sa hayskul at 25% lamang ang nakakapagtapos ng kolehiyo. Sa makikitang datos na iyan, halatang hindi kanaisnais ang mga pangyayari sa kasalukuyan.  Isa ring layunin ng aming pagsisiyasat ay magbigay atensyon sa lumalaking isyu na diskriminasyon. Ang diskriminasyon sa pamamagitan ng apat na Unibersidad ay mahahalata ng kahit sino man, dahil ang realidad ay hindi talaga maiiwasan ng tao ang pagdidiskrimin, lalo na’t may mga pagkakaiba talaga sa bawat unibersidad na ito. Ngunit ang diskriminasyon ay nagiging hadlang na sa ibang mga tao at sa kanilang mga oppurtunidad kaya napapanahon ang isyu na ito. Ang mga isyu na ito ay napapanahon na pagusapan dahil marami sa mga kabataan ang mawawalan ng magandang edukasyon at kinabukasan kapag hindi namulat ang kanilang mga mata sa realidad na ang edukasyon ang magiging gabay nila sa magandang kinabukasan.
Diskusyon
Ang unibersidad ay maraming depinisyon, tulad ng paglalarawan ng Dictionary.com (2011) na isang  pamantasan na may kapangyarihan magbigay ng mga bachelor’s degree sa mga magaaral at kadalasan lugar ng pagsisiyasat. Ang Encyclopedia Britannica (2011) naman ay inilalarawan ang unibersidad bilang isang institusyon para sa mataas na pagaaral. Ang aking interpretasyon sa unibersidad ay isang institusyon kung saan ang mga estudyante ay nagaaral upang magamit nila ang kanilang pagaaral sa pagunlad ng kanilang pamumuhay pati na rin ang pagunlad ng mundo. Batay naman kay J.H Newman, isang dalubhasa at manunulat, ang unibersidad ay isang lugar kung saan nagsasama ang iba’t ibang magaaral at guro upang magpalitan ng kanilang kaalaman sa iba’t ibang larangan. Ang nilalayon naman ng isang unibersidad, batay kay H.Smith (1995) ay magbigay kaalaman, mahubog ang abilidad ng mga magaaral, magtanim ng pagpapahalaga sa kanilang mga puso, at magmotiba sa kanila.
Sa komunidad ng unibersidad, sinasabi ni G.G Stern (1965) na ito ay sistema ng pagsubok, pagsasanay, at mga patakaran na iimpluwensyahan ang kanilang pagunlad. Sinasabi rin niya na ang buhay sa kolehiyo at ang mga karanasan ng mga estudyante dito ay nagiging isang sanhi kung bakit nagiiba ang ugali o pagiisip nila. Ang salaysay na iyan ay sumasang-ayon sa sinabi ng aming nakapanayam na si Fernandina Ko, na nagsasabing tunay na maraming pagsubok sa kolehiyo, ngunit ang mga pagsusubok na iyan ay maghuhubog rin sa kanyang pagkatao.  
            Ang pagaaral ay isang instrumento upang malabanan ang matinding mga isyu sa ekonomiya at paghihirap. Ngunit sa kasamaang palad, hindi lahat ng mamamayan ay nakakapagtanggap ng magandang edukasyon. Ayon kay J.C Paye (1989), ang ekonomiya ay maiuugnay sa edukasyon, sapagkat ang pagiging kompetitibo sa mga trabaho ay kaugnay din ng abilidad na makamit ang mga kaalaman at husay sa paritikular na mga trabaho.  Sa medaling salita, ang nakuhang edukasyon ng isang tao ay katumbas rin sa antas ng trabaho na kanyang makukuha. Sinasabi rin ni Paye (1989) na ang edukasyon ay may importanteng tungkulin na ginagampanan sa ating lipunan at ekonomiya dahil sa edukasyon nagmumula ang mga tao na may sapat na kaalaman at talino upang dumagdag ang ating kaalaman sa iba’t ibang bagay sa pamamagitan ng pagsisiyasat at maging tulong sa pagusbong ng pagbabago sa mga teknolohiya. Tinanong namin ang aming nakapanayam na si Fernandina Ko kung ano ang magagawa niya bilang isang Atenista sa kasulukuyang nanyayari sa ating bansa, at ang sabi niya ay “Sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa prinsipiyo ng Ateneo na pamumuhay para sa iba at pagimpluwensiya sa kapwang hindi Atenista. Sa palagay ko, kaya naming magsulong ng positibong pagbabago sa pamamagitan ng pagtransporma sa pag-iisip ng kapwa Pilipino. Bilang mga taga-Ateneo, kaya naming magbigay inspirasyon sa iba na hindi isinasakripisyo ang sarili naming mga ambisyon.”
             Ang pakikisama ay malaking bahagi rin sa buhay ng isang magaaral sa unibersidad, dahil marami itong tungkulin na ginagampanan. Isa, batay kay P.W Musgrave (1972) ang pakikisama sa iba’t ibang tao ay maghuhubog sa estudyante at maiimpluwensyahan ang kanilang kilos at galaw. Ang buhay sa unibersidad ay hindi makukumpleto kung hindi makikihalubilo ang estudyante sa iba’t ibang tao dahil dulot ng karanasan na iyon ay  karagdagang kaalaman ukol sa ibang tao pati na rin kaalaman sa buhay. Pangalawa, ang magaaral sa pamilya ay may kakaibang pakikisama sa kanyang pamilya dahil sa agwat ng kanilang mga idad, ngunit sa unibersidad, ang pantay-pantay lamang sila ng kanyang mga kasama at dulot nito ay mga karanasan na hindi niya mararansan kasama ng pamily. Halimbawa, sa pamilya, mas konserbatibo at reserbado ang estudyante dahil sa takot na mapagalitan ng magulang, ngunit pag kasama ang kanyang kapwa magaaral siya ay mas malaya sa kanyang mga gawain. Pangatlo, ang pakikisama ay nakakatulong din sa pagpabuti ng sarili at sa pagkaroon ng magandang kinabukasan. Ang unibersidad ay parang isang maliit na komunidad na kailangan maging aktibo sa mga gawain upang makilala ng iba’t ibang tao. Kung ang magaaral ay hindi marunong makisama, siya ay mawawalan ng tiwala sa kanyang sarili at baba ang kanyang tingin sa sarili dahil walang may gusto na kasama siya.
            Maraming mabuting bagay ang naidudulot ng pakikisama ngunit naidudulot din nito ang masamang asal na pagdiskrimina. Ang pakikisama ay sanhi ng pagkakaroon ng “social class” o paghiwahiwalay ng mga tao batay sa kanilang antas sa buhay, ugali, at iba pa. Ipinaliwanag ni H.L Hodgkinson (1965) na ang “social class” ay kahit anong grupo na may karamdaman ng pagkakasama sa isa’t isa at karamdaman na iba sila sa mga taong hindi kasama sa kanilang grupo. Ang paghihiwalay na ito at pagkakaiba ng mga tao ay sanhi ng diskriminasyon sa ibang tao. Madalas na dahilan ng pagdidiskrimina ang pagkakaiba ng mga tao sa antas ng buhay, ngunit ang edukasyon ay isa rin dahilan ng diskriminasyon. Ayon kay T. Husen (1987) ang mga nakakapagaral sa kolehiyo ay nakakatanggap ng mas maraming oportunidad kumapara sa mga hindi. Sinasabi din niya na noong bago pa lamang ang edukasyon, marami ang nagaakala na ito ang magsisilbing magbabago sa paghati ng lipunan, ngunit sa kasamaang palad, mas nahati pa ng edukasyon ang pagkahiwalay. Batay naman kay H.L Hodgkinson (1965) ang pagkakaiba iba ng mga unibersidad ay dahil rin sa pagkakaiba ng istraktura sa pamilya. Ang iba ay may pamilya na ang tatay ang pinakamakapangyarihan, ang iba ang nanay ang pinakamakapangyarihan, at ang iba ay ang tatay at nanay ang nagtatrabaho bilang isang “team”. Ang pangatlong nabanggit ay ang pinakaepektibong pamamaraan sa pagpalaki ng bata sapagkat ito ang pinakabalanse kumpara sa dalawa. Ayon sa aming pakikipagpanayam kay Fernandina Ko, sinabi niya na ang magulang niya ay hindi naman naging “pushy” sa kahit anumang bagay at sinusuportahan lamang siya sa kung anuman gusto niya. Sinasabi rin niya na nagsilbing tulong at gabay ang kanyang mga magulang sa mga bagay na kanyang ginawa.
Konklusyon
            Ang unibersidad ay sentro ng kaalaman. Ito ay nagsisilbing pinagmumulan ng ating talino at karunungan sa iba’t ibang bagay, pati na rin ang pinangagalingan ng pagasa nating makapagunlad at paghubog sa ating sarili. Dito natin nakikilala ang sarili at nalalaman ang ating patutunguhan sa buhay.
Maraming tungkuling ginagampanan ang edukasyon, hindi man lahat ay nagdudulot ng kabutihan, ang pangunahing silbi pa rin nito ay makapagbigay kaalaman. Sa kasalukuyan, marami ang naghihirap dahil sa bumababang ekonomiya ng ating bansa, ngunit edukasyon ang hihila sa atin sa putik ng kahirapan at sa sakit ng lipunan. Ang edukasyon ay karapatan ng lahat na magkaroon, at sa karapatan nilang iyan, maiuunlad nila ang kanilang sarili at pamumuhay. Ang pagkakaiba ng antas sa edukasyon ay nagdudulot ng diskriminasyon sa pamamagitan ng mga tao, at nagiging sanhi sa pagkawalan ng pagasa ng mamamayan na mabago pa ang ating bansa. May diskriminasyon man sa ating lipunan na dulot ng edukasyon, ang pagkakaiba nating mga Pilipino sa halip ng diskriminasyon ay magpapalakas sa ating loob at magdudulot ng iba ibang ideya.



Mga Reperensya
1.      AASA. "Ateneoscholar.com." AASA, Ateneo Alumni Scholars Association, Ateneo De Manila. AASA. Web. 30 Nov. 2011. <http://www.ateneoscholar.com/index.php?option=com_content>.

2.      Allan. "The Revised Ateneo Core Curriculum." Angelfire: Welcome to Angelfire. Allan. Web. 30 Nov. 2011. <http://www.angelfire.com/ks/cybertarget/core.html>.

3.      Ateneo De Manila University. Ateneo De Manila University. Rep. Web. 30 Nov. 2011. <http://www.admu.edu.ph/index.php?p=2665>.

4.      Britannica Online Encyclopedia. "University -- Britannica Online Encyclopedia." Encyclopedia - Britannica Online Encyclopedia. Web. <http://www.britannica.com/EBchecked/topic/618194/university>.

5.      Cornbleth, Catherine. "Curriculum as a Site of Memory." Curriculum Politics, Policy, Practice: Cases in Comparative Context. Albany: State University of New York, 2000. Print.

6.      Dictionary. "University | Define University at Dictionary.com." Dictionary.com | Find the Meanings and Definitions of Words at Dictionary.com. Web. <http://dictionary.reference.com/browse/university>.

7.      Hodgkinson, Harold L. "Ranking and Rewards - For Whom?" Education in Social and Cultural Perspectives. Englewood Cliffs, NJ: Prentice-Hall, 1962. Print.

8.      Husen, Torsten. "The Role of Formal Education as a Social Stratifier." Higher Education and Social Stratification: an International Comparitive Study. Paris: United Nations, 1987. Print.

9.      Musgrave, P. W. "The Child and Society." The Sociology of Education. London: Methuen, 1972. Print.

10.  Newman, John Henry, and Martin J. Svaglic. "What Is a University?" The Idea of a University Defined and Illustrated: In Nine Discourses Delivered to the Catholics of Dublin in Occasional Lectures and Essays Addressed to Members of the Catholic University. New York: Rinehart, 1941. Print.

11.  Paye, J. C. Education and the Economy in a Changing Society. Paris: Organisation for Economic Co-operation and Development, 1989. Print.

12.  Philippines. National Statistics Coordination Board. Philippine National Statistical Coordination Board (NSCB). By Romulo A. Virola. 10 Mar. 2010. Web. 30 Nov. 2011. <http://www.nscb.gov.ph/headlines/StatsSpeak/2008/031008_pinoy_graduates.asp>.


13.  Philippines. National Statistics Coordination Board. Philippine National Statistical Coordination Board (NSCB). By Romulo A. Virola. 8 Jan. 2007. Web. 30 Nov. 2011. <http://www.nscb.gov.ph/headlines/StatsSpeak/2007/010807_rav_educ.asp>.

14.  Smith, Huston. "The Aims of Liberal Education." The Purposes of Higher Education. New York: Harper & Brothers, 1955. Print.

15.  Stern, George G. "Student Ecology and College Environment." Research in Higher Education; Guide to Institutional Decisions; Papers. New York: College Entrance Examination Board, 1965. Print.